dzme1530.ph

Dela Rosa at Tulfo, nagkasundo na

Wala nang problema sa pagitan nina Sen. Ronald Bato dela Rosa at Sen. Raffy Tulfo matapos ang insidente ng walkout sa hearing sa mga kaso ng sinasabing paglabag ng mga pulis sa karapatang pantao.

Ayon kay dela Rosa, bagama’t nainsulto siya sa pagwalkout ni Tulfo ay siya na rin ang humingi ng paumanhin dahil maaaring hindi nagustuhan ng kanyang kasama ang pagpapatakbo niya sa hearing.

Kwento ni dela Rosa, nilapitan nya si Tulfo sa executive lounge ng mga senador at kinausap.

Kinumpirma naman ni Tulfo ang paglapit sa kanya ni dela Rosa kasabay ng paggiit na ikinaiinis niya ay ang labis na kasinungalingan ng mga pulis na humarap sa pagdinig.

Una nang binanggit ni Tulfo na hindi dapat bine-baby ang mga pulis na dumadalo sa senate hearings subalit pinaiikot lamang ang mga senador.

Itinanggi naman ni dela Rosa na bine-baby niya ang mga pulis at iginiit na siya na ang senador na may pinakamaraming pulis na pinakulong sa Senado dahil sa contempt.

About The Author