Duda si Senate Committee on Energy Vice Chairman Sherwin Gatchalian sa deklarasyon ng Department of Energy (DOE) na walang magaganap na power shortage o kakulangan sa suplay ng kuryente ngayong buwan ng tag-init na mas ramdam ang epekto ng El Niño sa buong bansa.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa kasalukuyan ay nakita niyang nasa 500 megawatts na lang ang margin ng suplay ng kuryente sa buong bansa na malayo sa comfortable level kung nationwide ang basehan na dapat ay nasa 1200 megawatts.
Hindi kumbinsido ang senador sa pahayag ng DOE dahil sa tuwing mainit ang panahon ay mas lalong tumataas ang kunsumo ng kuryente sa bansa.
Inihalimbawa nito ang paggamit ng aircon na kapag panahon ng tag-init ay mas mahaba ang oras na nakabukas ito at karaniwang ibinababa ang temperatura na nangangahulugan na mas maraming kuryente ang kailangang gamitin para palamigin ang isang lugar o silid.
Nagbabala si Gatchalian na kapag pumapalo sa 45°C ang temperatura ay asahan ngayong buwan ng Abril at Mayo na tataas ang kunsumo ng kuryente at kapag tumaas ang kunsumo liliit ang margin na mauuwi sa brownout dahil kulang ng suplay ng kuryente.
Dahil dito, muling kinalampag ni Gatchalian ang DOE na bumuo ng task force El Niño para makipagugnayan sa mga power plant operators, sa National Grid Corporation of the Philippines at sa mga utilities para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente ngayong taginit.