Nanawagan si Sen. Risa Hontiveros kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na kumbinsihin si Pang. Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na tuluyang ipagbawal ang mga POGO sa bansa.
Ito ay kasunod ng pahayag ng kalihim na dapat matigil ang operasyon ng mga POGO na malapit sa military bases.
Sinabi ni Hontiveros na ang pahayag ni Teodoro ay pagkumpirma na national security risk na ang mga POGO.
Ipinaalala ng senador na una na ring nabunyag na ang POGO tulad sa Bamban sa Tarlac ay posibleng sangkot sa pagsasagawa ng surveillance at hacking activities sa mga website ng mga ahensya ng gobyerno.
Bukod dito, may natagpuan ding Chinese military uniform sa loob ng illegal POGO hub sa Porac, Pampanga.
Iginiit ni Hontiveros na ang mga findings ng Senate ay dapat sapat na para makumbinsi ang Pangulo na tuluyang palayasin at ipagbawal ang lahat ng mga POGO sa bansa.