Sa halip na pagkakakulong, nais ni Senador Jinggoy Estrada na multa na lamang ang ipataw na parusa sa mga mahaharap sa kasong libel.
Sa kanyang Senate Bill 2521, isinusulong ni Estrada na ma-decriminalize ang libel dahil hindi ito nakakatulong at nagdudulot pa ng seryosong banta sa hanay ng mga mamamahayag.
Sa kanyang panukala, pagbabayarin na lamang ang mga mamamahayag, kumpanya ng media o sinumang nagkasala ng libelo.
Sa panukala ay maaaring maharap sa multa na P5,000 hanggang P30,000 ang sinumang magsusulat, maglilimbag, maglalathala o magsasahimpapawid ng pribadong buhay at sa pamilya, totoo man o hindi, na maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao.
Sakop nito ang mga reporters, editors, at managers ng mga dyaryo o daily magazine, broadcast stations gayundin ang mga mayakda ng published article sa mga theatrical o cinematographic exhibit.
Nakasaad din sa panukala ang pagsasampa ng mga kasong libelo laban sa community journalist, publication o broadcast station na ihahain sa Regional Trial Court (RTC) ng probinsya o siyudad kung saan ang pangunahing tanggapan o lugar kung saan matatagpuan ang nagkasala.