Naglabas ng babala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay ng inaasahang pagbagsak ng debris ng Long March 7 rocket ng China sa loob ng maritime zones ng Pilipinas.
Sa isang memorandum na pirmado ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator for Operations Asec. Cesar Idio, inaasahang ilulunsad ng China ang nasabing rocket sa pagitan ng July 15 hanggang July 17, mula alas-2 hanggang alas-6 ng umaga (oras ng Pilipinas).
Batay sa abiso, ilan sa mga posibleng bagsakan ng rocket debris ay ang mga sumusunod:
-33 nautical miles mula sa Bajo de Masinloc
-88 nautical miles mula sa Cabra Island, Occidental Mindoro
-51 nautical miles mula sa Recto Bank
-118 nautical miles mula sa Busuanga, Palawan
Dahil dito, inatasan ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at DENR-NAMRIA na magpatupad ng pansamantalang maritime restrictions at maglabas ng notice to mariners upang maprotektahan ang mga mangingisda at iba pang naglalayag sa mga nabanggit na lugar.
Hinimok din ang mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Councils sa Central Luzon at MIMAROPA na tutukan at subaybayan ang sitwasyon.
Nagpaalala naman ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa publiko na huwag lalapitan, gagalawin, o hahawakan ang anumang rocket debris na posibleng matagpuan, dahil maaaring naglalaman ito ng mga nakalalasong kemikal na mapanganib sa kalusugan.