dzme1530.ph

Debate para sa revival ng mandatory ROTC Program, umarangkada sa Senado

Umarangkada na ang debate sa plenaryo ng Senado kaugnay sa panukalang pagbuhay sa Mandatory ROTC program sa kolehiyo.

Nakapaloob ito sa Senate Bill 2034 na naglalayong palitan na ang National Service Training Program (NSTP) at inisponsoran ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

Unang nagpahayag ng pagkontra sa panukala si Senador Francis ‘Chiz’ Escudero na naggiit na hindi naman sasapat ang ROTC Program upang sanayin ang kabataan na dipensahan ang bansa at ang ating teritoryo.

Ipinaliwanag ni Escudero na sa ilalim ng ROTC, tinuturuan ang mga estudyante na magmartsa, tumayo at humawak ng rifle na hindi anya sapat na kasanayan para sa sinasabing pagdipensa sa bansa.

Hiniling din ni Escudero sa sponsor ng panukala na ilatag ang mga pag-aaral na nagsabing bigo ang NSTP sa layunin nitong bigyan ng sapat na kasanayan at kakayahan ang kabataan para makatulong sa pagpapaunlad at pagpapanatili ng kaayusan sa bansa.

Sa pagdipensa naman ni dela Rosa sa panukala, kinontra niya ang kaisipan na ang mga tumututol sa pagbuhay sa ROTC ay nagpapakita ng mas kaunting pagmamahal sa bansa.

Gayunman, sinabi ni dela Rosa na para sa kanya ang mga indibidwal na handang magsakripisyo at dipensahan ang bansa ay mas maituturing na makabayan kumpara sa mga paupo-upo lamang. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author