dzme1530.ph

Death penalty at divorce bill, ‘di ipaprayoridad ng Senado

Bukod sa panukalang Charter change, hindi rin ipaprayoridad ng Senado ang mga panukalang divorce at death penalty.

Ito ang sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero kasabay ng paglilinaw na hindi naman ito nangangahulugan na hindi na ito tatalakayin.

Sa paliwanag ni Escudero na magiging regular lamang ang pagtalakay sa mga panukala katulad ng kanyang ginawa sa panukalang pagbabalik ng ROTC sa tertiary level.

Iginiit ng senador na kailangang dumaan sa regular na proseso ang mga panukala at hindi na kinakailangang bumuo pa ng special committee upang talakayin ang mga ito.

Muling binigyang-diin ni Escudero na mas mahalaga sa kanila ang kalidad kumpara sa bilang lamang ng mga panukala na kanilang ipapasa.

Sa talumpati rin kanina ni Escudero sa pagbubukas ng sesyon, iiwasan nilang talakayin pa ang mga panukala na makapagdi-divide sa taumbayan.

Ayon kay Escudero, pagtutuunan ng pansin ng mga senador ang mga common legislative agenda na binuo kasama ang executive branch at House of Representatives, kasabay ng pagsasabing ang “legislation is not a one-way process.”

About The Author