Nilinaw ng Department of Budget and Management na ilalabas pa rin ang Performance-Based Incentives (PBI) ng mga kawani ng gobyerno para sa taong 2022 at 2023.
Ito ay sa kabila ng Executive Order no. 61 na nag-suspinde sa implementasyon ng Results-Based Performance Management (RBPM) at PBI sa pamahalaan.
Ayon sa DBM, layunin lamang ng EO na repasuhin ang RBPM at PBI systems upang maisaayos at ma-streamline o mapabilis pa ito.
Bukod dito, nailabas na rin umano sa mga kaukulang ahensya ang budget allocation para sa 2024 RBPM at PBI, kaya’t inaasahang maire-release rin ito.
Sinabi pa ng Budget Department na dapat maisama rin sa 2025 National Expenditure Program ang alokasyon para sa Performance-Based Incentive.
Mababatid na tinukoy na indikasyon sa EO ang duplicative at redundant o mga nagdo-doble at nagpapatong na internal at external performance audit at evaluation sa RBPM at PBI systems.