Nagpaliwanag ang Department of Budget and Management (DBM) kaugnay ng hindi pa nailalabas na fuel subsidy ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators, sa harap ng patuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa DBM, kinakailangan muna ang implementing guidelines bago mai-release ang subsidiya, kaya’t kailangan munang mag-sumite ng joint memorandum circular ng Department of Transportation kasama ang Memorandum of Agreement.
Ito ang magtatakda ng proseso para sa identification at validation ng mga benepisyaryo.
Sinabi pa ni Budget Undersecretary Goddes Hope Libiran na magsisilbing signatories ng circular ang DOTr, DOE, at DBM, alinsunod sa nakasaad sa 2023 General Appropriations Act.
Matatandaang una nang inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang planong pamamahagi ng fuel subsidies sa PUV drivers at operators bago matapos ang Agosto. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News