Naglabas ang Dep’t of Budget and Management ng ₱875 million, upang punan ang quick response fund ng Dep’t of Social Welfare and Development.
Ayon sa DBM, hinugot ang pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund sa ilalim ng 2024 budget.
Sinabi ni Budget Sec. Amenah Pangandaman na mahalaga ang papel ng DSWD sa pag-alalay at pagtugon sa pangangailangan ng mga Pilipino sa harap ng sunud-sunod na mga kalamidad.
Ito umano ang dahilan kaya’t kaagad tinugunan ang hiling nilang muling malagyan ng pondo ang QRF, alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking may naka-antabay na pondo para sa sakuna.
Ang QRF ay inaasahang gagamitin sa pagbili ng family food packs at non-food items, at cash for work program para sa mga nasalanta ng bagyong Julian sa Region I. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News