Pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Budget and Management (DBM) sa pagtapyas ng P4-B pondo para sa National Electrification Program ng gobyerno sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Finance sa proposed 2024 budget ng Department of Energy, ipinaliwanag ni DBM Acting Director for Budget and Management Bureau Gemma Ilagan na ang paglalaan nila ng pondo ay nakadepende sa prioritization at performance ng ahensya.
Ipinaliwanag ni Ilagan na limitado ang fiscal space ng gobyerno kasabay ng paglilinaw na anumang pagtatapyas ay ikinukunsulta rin muna nila sa ahensya.
Iginiit pa ni Ilagan na hindi rin naman humirit pa ang ahensya ng dagdag na pondo makaraan nila itong tapyasan.
Tahasan namang puna ni Tulfo kay Ilagan kung bakit binawasan ang mahalagang programa ng gobyerno habang binubuhusan ng pondo ang ilang ahensya na nababalot ng katiwalian.
Tinukoy pa ni Tulfo ang paglalagak ng malaking pondo ng DBM sa National Irrigation Administration kahit na marami sa mga proyekto nito ang kwestyonable at puno ng isyu ng korapsyon.
Tiniyak naman ni Tulfo na isusulong niyang maibalik ang tinapyas na pondo para sa electrification program. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News