dzme1530.ph

Dating SP Sotto, nagpahiwatig na ‘di na tatanggap ng posisyon sa gobyerno sa ngayon

Nagpahiwatig si dating Senate President Vicente Tito Sotto III na posibleng hindi na siya tumanggap ng anumang posisyon ngayon sa gobyerno.

Ito ay dahil sa payo sa kanya ng mas nakararami na mas makatutulong siya sa pamahalaan kung magbabalik Senado siya sa 2025.

Ipinaliwanag ng dating senador na kung tatanggap siya ng posisyon ay isang taon na lamang ang kanyang serbisyo bago ang eleksyon kaya’t hindi siya makapaglalatag ng mga magagandang programa.

Kinumpirma naman ni Sotto na nagtungo siya sa Malakanyang nitong Biyernes subalit nilinaw na hindi nila napag-usapan ni Pangulong Bongbong Marcos ang posibleng posisyon sa gobyerno at ang tinalakay anya nila aya may kinalaman sa Senado at sa mga programa kontra droga.

Kasabay nito sinabi ni Sotto na kung magbabalik siya sa Senado ay hindi kinakailangan na muli niyang makuha ang pagiging Senate President at mas gusto niyang hawakan ang Senate Committee on Ethics upang maisaayos ang decorum ng ilang mambabatas.

Samantala, naniniwala si Sotto na kung nasa Senado pa siya ay hindi gagalawin ng pamilya Jalosjos ang kanilang programang Eat Bulaga dahil mangingilag ang mga ito sa kanya.

Kinumpirma rin niya na maaaring may kinalaman sa pulitika ang pagtakeover ng pamilya Jalosjos partikular nang ihayag sa kanila na dapat magkaroon ng portion sa programa para sa mga kasambahay dahil sa planong pagbuo ng pamilya ng Kasambahay Partylist. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author