dzme1530.ph

Dating Sen. Pacquiao, iginiit na dapat isantabi ang political differences para sa taumbayan

Loading

Hinimok ni Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial bet at dating Sen. Manny Pacquiao ang iba pang kandidato na isantabi ang kanilang political differences upang bigyang-daan ang pagseserbisyo sa taumbayan.

Ginawa ng dating senador ang pahayag matapos makasalubong ang motorcade ng mga kalaban sa halalan na sina Sen. Bong Go at TV host Willie Revillame sa aktibidad sa North Caloocan.

Kapwa huminto ang dalawang motorcade at nagkamayan ang mga kandidato na para kay Pacquiao ay senyales ng panawagan na tigilan ang pag-aaway sa pulitika at sa halip ay magtulong-tulong upang malusutan ang mga problema sa bansa.

Sinabi ng senatorial bet na ito na ang panahon upang ipakita ng mga pulitiko ang tunay nilang pagmamalasakit sa taumbayan kasabay ng paninindigan na ang eleksyon ay hindi para sa kanila kundi para sa pagsisilbi sa mga Pilipino.

Binigyang-diin pa ni Pacquiao na ang pagiging lider ay hindi nakasentro sa pansarili lamang kundi sa pagtutulungan kasabay ng panawagan sa taumbayan na samahan siya sa pagsusulong ng kapakanan ng mamamayan.

About The Author