dzme1530.ph

Dating PS-DBM USec. Christopher Lao, dapat nang managot sa pag-abuso sa kaban ng bayan

Panahon na upang harapin at panagutan ni dating Procurement Service-Department of Budget and Management USec. Lloyd Christopher Lao ang kanyang pang-aabuso sa pondo ng bayan.

Ito ang binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros kasabay ng hamon kay Lao na ibunyag na kung sino ang big boss ng mga anomalya sa COVID-19 funds.

Si Lao ay nasakote ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Sandiganbayan sa kasong paglabag sa anti-graft and corrupt practices law.

Sinabi ni Hontiveros na dapat managot si Lao at ang mga kasabwat niya sa pang-aabuso at pagkamkam sa pondo ng bayan sa gitna ng pandemya na marami ang nakakaranas ng gutom at nawalan ng hanapbuhay.

Dapat din aniyang magsilbi itong paalala at aral sa mga taga gobyerno na may katapusan ang hindi wastong paggamit at pang-aabuso sa kaban ng bayan.

Hindi aniya maiiwasan ng kanilang pagtatago at pagmamagic ang pananagutan sa batas at sa bayan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author