Pinag-aaralan ng PNP ang posibilidad na kasuhan si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng obstruction of justice matapos nitong ibida sa mga mamamahayag noong nakaraang linggo na alam niya ang kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy subalit hindi niya sasabihin.
Sinabi ni PNP Chief Police General Rommel Marbil na anumang statement na nagki-claim na batid ang lokasyon ni Quiboloy ay rerebyuhin ng PNP upang suriin kung nalabag ang Presidential Decree 1829, na nagpaparusa sa sinumang nagtatangkang pumigil sa paghuli at pag-usig sa pinaghihinalaang kriminal.
Binigyang diin ni Marbil na gumagastos ang gobyerno ng milyon-milyong piso, at manpower para matunton ang mga kriminal, at obligasyon din ng mamamayan na tulungan ang pamahalaan.
Si Duterte na malapit na kaalyado ni Quiboloy ay nagboluntaryong pangasiwaan ang KOJC properties noong Marso matapos ma-cite in contempt ang kontrobersyal na pastor dahil sa kabiguan nitong sumipot sa mga pagdinig ng Senado kaugnay ng alegasyon ng Sexual Abuse at Human Trafficking.
Mayroon ding standing warrants of arrest si Quiboloy mula sa mga korte sa Davao City at Pasig City bunsod ng Child Sexual Abuse at Human Trafficking Cases.