dzme1530.ph

Dating Pangulong Duterte, padadaluhin na sa pagdinig ng Senado sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon

Iimbitahan na ng Senate Blue Ribbon Subcommittee si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa imbestigasyon kaugnay sa inilunsad na drug war ng nakalipas na administrasyon.

Ito ang kinumpirma ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na siyang mangunguna sa pagdinig.

Sinabi ni Pimentel na nagdesisyon siyang imbitahan na rin ang dating Pangulo makaraang makausap niya si Senador Ronald “Bato” dela Rosa at kinumpirmang handang humarap si Duterte kahit hindi siya imbitahan.

Pero nilinaw ni Pimentel na depende na rin sa dating Pangulo kung dadalo siya sa pagdinig.

Bukod kay Duterte, imbitado sa unang araw ng pagdinig si dating PCSO General Manager Royina Garma, dating Senador Leila de Lima, dating NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo, self-confessed drug lord Kerwin Eapinosa, at pamilya ng mga biktima ng kampanya kontra droga.

Bago naman pagsalitain si Duterte ay ilalatag muna ng subcommittee ang mga alegasyon kaya’t una aniyang tututukan si Garma kung saan tatanungin siya kung pinaninindigan nito ang pahayag sa Quad Comm. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author