Sinampahan ng kasong plunder ni dating Senador Antonio Trillanes IV sina dating Pang. Rodrigo Duterte at Sen. Christopher ‘Bong’ Go kaugnay sa P6.6-B halaga ng infrastructure projects.
Bitbit ni Trillanes ang kahong-kahong papeles sa paghahain ng reklamo sa Department of Justice ngayong umaga.
Batay sa reklamo, sinabi ni Trillanes na minanipula nina Duterte at Go ang awarding ng daang-daang government contracts sa mga kumpanyang pag-aari ng ama at kapatid ng senador na umaabot sa P6.6 bilyon.
Malinaw anya ang lahat ng elemento ng plunder makaraang gamitin ni Duterte ang kanyang posisyon para paboran ang pamilya ni Go.
Kabilang sa mga tinukoy ang 125 na kontrata na may kabuuang halaga na P4.9-B na naibigay sa CLTG builders na pag-aari ng ama ni Go na si Deciderio Go mula 2007 hanggang 2018.
Kasama rin ang 59 na government projects na may kabuuang halaga na P1.74-B na naibigay naman sa Alfrego Builders na pag-aari ng kapatid ni Go na si Alfredo Go.
Sinabi ni Trillanes na ngayon ang tamang panahon para papanagutin sina dating Pangulong Duterte at Senador Go sa kanilang mga katiwalian.