dzme1530.ph

Dating NIA Administrator, kinastigo sa Senado

Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo ang dating administrator ng National Irrigation Administration (NIA) na si retired Gen. Ricardo Visaya.

Ito ay nang lumitaw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na gumagawa ng irrigation projects ang NIA kahit hindi pa naisasaayos ang mga problema sa Right of Way.

Ipinaalala ng senador na dapat kumpleto muna ang lahat ng papeles at naisaayos ang mga reklamo bago ituloy ang isang proyekto upang hindi ito nabibinbin kapag nasimulan na.

Inihalimbawa ni Tulfo ang nangyari sa Balog-Balog Project na inalmahan ng maraming indigenous people.

Partikular na naging problema ng mga katutubo sa lugar ang dalawang resettlement sites dahil ang nais ng mga ito ay sa Crow Valley sa Tarlac.

Bahagya pang tumaas ang boses ni Visaya sa pagdinig sa pagpapaliwanag na ang Crow Valley ay military reserve area kung saan isinasagawa ang militarty activities.

Subalit iginiit ng National Commission on Indigenous Peoples ang lugar ay kasama sa tinukoy sa Memorandum of Agreement.

Sa gitna nito sinabi ni Tulfo na poor planning ang nangyari sa proyekto dahil pumirma na sa MOA kahit hindi pa malinaw ang mga probisyon ng kasunduan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author