dzme1530.ph

Dating Health sec. Duque, nag-piyansa sa kasong katiwalian

Nag-piyansa rin si dating Health Secretary Francisco Duque III para sa kasong paglabag sa Anti-Graft Law, kagaya ni dating Department of Budget and Management Usec. Lloyd Christopher Lao.

Sinabi ng dating Kalihim, na agad siyang naglagak ng piyansa noong Sept. 4, makaraang malaman ang tungkol sa inihaing kaso laban sa kanya sa Sandiganbayan.

Idinagdag ni Duque na naghahanap siya ng legal remedies para kwestiyunin ang resolusyon ng Ombudsman, hindi lang para sa Sandiganbayan, kundi maging sa Korte Suprema.

Sina Duque at Lao ay inimbestigahan dahil sa umano’y mga iregularidad, kasunod ng paglipat ng DOH ng ₱ 41 billion sa Procurement Service ng DBM para ipambili ng kinakailangang COVID-19 supplies nang tumama ang pandemya.

Si Lao ay dinakip ng mga awtoridad noong Miyerkules ng umaga sa Davao City habang patungo sa Korte para maglagak ng piyansa.

Saglit itong ikinulong sa CIDG Regional Forensic Unit 11 sa Davao City at pinalaya rin matapos ma-proseso ang kanyang piyansa na ₱90,000. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author