![]()
Kinumpirma ni dating DPWH Undersecretary for Operations Roberto Bernardo na ang tiwaling sistema sa ahensya ay nagsisimula sa pinakamataas na opisyal o ang mismong kalihim hanggang sa pinakamababang empleyado.
Sa supplemental affidavit ni Bernardo, sinabi niyang dawit sa katiwalian ang kalihim, undersecretaries, assistant secretaries, regional directors, district engineers, bids and awards committee members, engineers, inspectors, hanggang sa tinawag nitong laborers.
Kaparehong sistema anya ito sa ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Finance, Department of Environment and Natural Resources, Department of Health, Department of Education, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Transportation, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Philippine Coconut Authority.
Inihayag nitong noong panahon ni dating DPWH Secretary at ngayon ay Senador Mark Villar, mayroon anya silang 10% commission sa mga proyekto.
Sa naturang kumisyon, 50% ang napunta kay Villar, habang tig-25% sila ni Usec. Catalina Cabral.
Nang panahon naman ni Bonoan, 15% ang commission na pinaghahatian nila kasama siya at si Cabral.
Samantala, umapela si Bernardo sa iba pang nakakaalam ng katiwalian na magtiwala sa kinauukulan at lumantad na.
Kinumpirma naman ng Department of Justice na provisionally accepted na sa Witness Protection Program si Bernardo.
Kinuwestyon naman ni Sen. Rodante Marcoleta ang hindi pagdalo ng mga kongresista na inimbitahan sa pagdinig sa katwirang nagsumite na sila ng testimonya sa ICI.
Sinabi ni Marcoleta na iba ang mandato ng ICI sa kanilang isinasagawang investigation in aid of legislation.
