Pinaiimbestigahan ni Sen. Raffy Tulfo sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isang dating mayor sa Davao del Sur kasama ang kanyang mga tauhan dahil sa posibleng pagkakasangkot sa graft and corrupt practices.
Ito ay makaraang kumpirmahin ng National Bureau of Investigation (NBI) na umaabot na sa 1,200 Chinese nationals ang nabigyan ng Filipino birth certificates sa pamamagitan ng Late Registration sa loob ng termino ng hindi kinilalang local chief executive.
Gayunpaman, inamin ng NBI na hanggang ngayon, wala pa rin silang anumang kasong naisasampa laban sa mga tao mula sa Local Civil Registrar’s office (LCR) at Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsabwatan sa pagbigay ng Filipino birth certificates sa foreign nationals na nag apply ng late registration.
Kaya naman sinita ng Senador ang NBI dahil deka-dekada na itong nangyayari at wala pa ni isang taong sangkot ang nakasuhan at nakulong.
Matatandaang nakalkal ang mga isyu ng mga iregular na pagkakaroon ng birth certificate ng ilang dayuhan kasunod ng kaso ni dismissed Bamban Tarlac mayor Alice Guo na nakakuha ng Filipino citizenship sa pamamagitan ng late registration. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News