Ibinaba na sa blue alert status ang sitwasyon sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ito ang iniulat ni BuCor Director General Gregorio Catapang sa pagtungo niya kahapon kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla.
Sanabi ni Catapang, normal na ang sitwasyon sa loob ng piitan matapos ang barilan na naganap noong Martes na ikinasugat ng 9 na bilanggo.
Ngunit bawal pa rin ang mga dalaw sa Bilibid dahil hanggang ngayon ay patuloy ang naghuhukay ng mga natagpuang kalansay sa mga septik tank.
Sa kasalukuyan, isinasailalim na sa forensic exam ang mga nahukay na buto ng tao para malaman kung sino ang mga ito.
Samantala, idineklara na ni Sec. Remulla ang moratorium ng mga bagong preso sa NBP.
Ito ay dahil overcrowded na ang piitan at kailangan ng bawasan ang mga nakakulong sa Muntinlupa City.
Sabi nya, ang mga bagong masesetensyahan ay agad nilang dadalhin sa iba’t-ibang penal colony sa bansa tulad ng Sablayan Penal Farm sa Occidental Mindoro, Iwahig sa Palawan at maraming iba pa.
Isa ito sa nakikitang paraan ng DOJ at Bureau of Correction para mabawasan ang congestion ng NBP. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News