Suportado ni Sen. Christopher Go ang panukalang paggamit ng excess funds ng gobyerno para sa implementasyon ng bagong tranche ng dagdag sahod sa mga empleyado ng pamahalaan.
Sinabi ni Go na maganda ang naging aksyon ng Department of Budget and Management na tumutugon din sa kanyang proposed Salary Standardization Law (SSL) 6.
Sa pagdinig sa Senado, inilatag ni Finance Secretary Ralph Recto ang posibleng paggamitan ng excess funds ng gobyerno na kinabibilangan ng mga proyekto tulad ng Davao City Bypass Construction Project, Samal Island-Davao City Connector Project, Panay-Gimaras-Negros Island Bridges, Bataan-Cavite Interlink Bridge Project, Metro Manila Subway Project at Salary Standardization 6 na aabot sa ₱40-B para sa mga empleyado ng pamahalaan.
Una nang inahain ni Go ang Senate Bill No. 2504, or proposed SSL 6 na naglalayong ipagpatuloy ang taun-taong pagtataas ng sahod ng mga government employees.
Sinabi ng senador na ang dagdag sahod ay bilang pagkilala sa serbisyo ng mga ordinaryong kawani ng gobyerno na nagsasakripisyo upang magsilbi sa bayan.
Malaking tulong anya ito sa mga empleyado sa pampublikong sektor para malampasan ang mga hamon tulad ng inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.