Hiniling ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Department of Education (DepEd) na magbigay ng karagdagang pondo makaraang abisuhan ang mga paaralan na idaos ang kanilang end-of-school-year ceremonies sa indoors upang maiwasan ang matinding init.
Sinabi ni ACT Chairperson Vladimer Quetua na kailangan ng additional funds, bukod sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga eskwelahan, upang ma-secure ang tamang venues para sa graduation at moving up ceremonies.
Una nang inatasan ng DepEd ang mga paaralan na pondohan ang mga seremonya sa pamamagitan ng kanilang MOOE, kasabay ng paalala sa lahat ng DepEd personnel na bawal mangolekta ng kontribusyon para sa graduation o moving up.
Iginiit ni Quetua na ang MOOE ng mga eskwelahan ay sapat lamang para sa basic operational expenses, at hindi na dapat pang ipaako rito ang mga karagdagang pangangailangan na may kinalaman sa epekto ng panahon at iba pang emergencies.