![]()
Kasabay ng pagtiyak na hindi na dapat mahaluan ng katiwalian ang binabalangkas na 2026 national budget, nangako si Sen. Erwin Tulfo na isusulong ang dagdag na tulong sa mga sinalanta ng bagyo, partikular sa MIMAROPA region.
Sa kanyang pagbisita sa mga sinalanta ng bagyo sa lalawigan ng Palawan, tiniyak nito ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan upang maibsan ang hirap na nararanasan ng mga residente.
Namahagi ang senador ng bigas at iba pang pangangailangan sa may 1,000 pamilya sa Langogan, Puerto Princesa, na naapektuhan ng Bagyong Tino.
Ito ay bukod sa kanyang tulong pinansyal sa mga residente sa mga munisipalidad ng Roxas, Agutaya, Araceli, at Coron.
Bumisita rin ang senador sa Barangay Binduyan sa Puerto Princesa, na kamakailan lang ay nakaranas ng landslide na nagresulta sa pagkasira ng isang bahagi ng pambansang lansangan.
Nagtungo din si Tulfo sa Western Command (WESCOM) sa Palawan, na pinamumunuan ni Commander Alfonso Torres Jr., at nangako na isusulong ang karagdagang pondo para sa pagpapaunlad ng imprastraktura at maintenance ng military hospital.
Nakiisa rin ang senador sa kanyang mga kapwa alumni sa Seminario de San Jose na aktibo rin sa serbisyo publiko at nagsilbing gabay niya sa paglilingkod.
