Dagdag na sahod sa minimum wage earners, bigong lumusot sa Kongreso

dzme1530.ph

Dagdag na sahod sa minimum wage earners, bigong lumusot sa Kongreso

Loading

Bigo ang Kongreso na aprubahan ang umento sa minimum wage earners sa pribadong sektor.

Ito ay makaraang hindi maisalang sa bicameral conference committee ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara para sa dagdag na sahod sa huling araw ng sesyon ng 19th Congress.

Ito ay nang magmatigas ang Kamara na hindi i-adopt ang ₱100 daily minimum wage hike bill na unang inaprubahan ng Senado.

Sa kanyang manifestation, inamin ng may-akda ng panukala sa Senado na si Sen. Migz Zubiri na nalulungkot siya para sa mga manggagawa pero ipinaalalang ginawa ng Senado ang lahat para ipaglaban ang kanilang karapatan para sa dagdag na sahod.

Patuloy aniyang ipinipilit ng Kamara ang ₱200 dagdag na sahod na alam namang hindi kakayanin ng mga maliliit na negosyo at kung ang Senado ang mag-a-adopt sa panukala ng mababang kapulungan tiyak na mave-veto lamang ito ng Pangulo.

Sinabi naman ni Senate Committee on Labor chairman Joel Villanueva na sa kabila ng pagpapahayag ng intensyon ng mga kongresista na iaadopt ang bersyon ng Senado ay wala silang natanggap na komunikasyon mula sa Kamara hanggang sa huling oras ng sesyon.

Ipinaalala ni Villanueva na February 2024 nang kanilang aprubahan ang panukalang dagdag na sahod sa mga manggagawa dahil batid nilang kailangan ito ng mamamayan.

About The Author