Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na patuloy na apektado ng masamang panahon ang mahigit 29 na daungan sa iba’t ibang rehiyon ng bansa dahil sa Bagyong Crising.
Batay sa datos ng PCG, umabot sa 649 katao, kabilang ang mga pasahero, driver, at helper, ang na-stranded.
Bukod dito, 248 rolling cargo units at 52 sasakyang pandagat din ang hindi makabiyahe.
Samantala, 24 na sasakyang pandagat at 12 motorbanca ang pansamantalang sumilong sa ligtas na lugar bilang pag-iingat.
Kabilang sa mga rehiyong lubhang naapektuhan ang Southwestern Mindanao, Southern Tagalog, Palawan, Western Visayas, Eastern Visayas, Bicol, Northern Mindanao, at Southern Visayas.
Sa Negros Occidental, tinatayang 124 residente mula sa Cauayan ang sinagip ng PCG matapos tumaas ang baha sa kanilang lugar dulot ng bagyo. Nanatili ang mga ito sa evacuation center habang patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad sa lagay ng panahon at sitwasyon sa mga apektadong lugar.