Nilinaw ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francis Tiu-Laurel Jr. na hindi ibabalik ang buong kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) sa inirerekomenda nilang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food kaugnay sa pagrepaso sa implementasyon ng Rice Tarriffication Law, nilinaw ng kalihim na batay sa kanilang rekomendasyon magiging limitado lamang bilang conduit ang NFA para sa mga panahong may kalamidad.
Sa paliwanag ng opisyal posibleng isa o dalawang beses kada taon lamang magamit ang NFA sa pag-aangkat ng bigay upang matiyak ang ‘steady supply’ at maiwasan ang pagtaas ng presyo.
Tiniyak din ni Laurel na alinsunod sa kanilang rekomendasyon, magiging huling opsyon na lamang ang NFA sa pag-aangkat ng bigas subalit kinakailangan itong bigyan din ng ‘go signal’ ng kalihin ng DA at ng isa pang ahensya.
Sa pagsisimula ng pagdinig, agad na nagpahayag ng pagkabahala sina Senator Cynthia Villar at Senator Imee Marcos sa ipinapanukalang pagbabalik ng kapangyarihan ng NFA para sa pagbili, pagbebenta at pang-aangkat ng bigas.
Sinabi ni Villar na nang binuo nila ang RTL, ang tunay na layunin ng Department of Finance sa pagbuo ng batas ay ang tuluyang buwagin ang NFA subalit ikinunsidera nila ang 4,000 tauhan ng ahensya.
Binigyang-diin naman ni Marcos na dahil sa mga nakalipas na katiwaliang kinasangkutan ng NFA ay nakatatakot na itong bigyan ng kapangyarihan.