Hinimok ni Sen. Francis “Chiz” Escudero ang Department of Agriculture (DA) na ilatag ang plano nito sa pagpapababa sa presyo ng bigas sa P30 kada kilo sa buwan ng Hulyo.
Iginiit ng senador na dapat maging malinaw ang mga ipatutupad na hakbangin sa mithiing maibaba ang presyo ng bigas.
Matagal nang inaasam ng publiko na maibaba ang presyo ng bigas na ngayon ay pumapalo pa sa P60 kada kilo sa kabila ng naging campaign promise na magiging P20 ang bawat kilo.
Sinabi ni Escudero na nais din niyang malaman ang magiging papel ng isinusulong na pag-amyenda sa Rice Tarrification Law sa target na maibaba ang presyo ng bigas.
Kwestyon ng senador na ang pag-amyenda sa batas ang solusyon para maibaba ang presyo ng bigas.
Ilang senador na rin ang kumontra sa panukalang pag-amyenda sa batas kasama na si Senate Committee on Agriculture and Food chairperson Cynthia Villar na pangunahing sponsor ng batas sa Senado.