dzme1530.ph

DA, DTI, inatasang istriktong ipatupad ang mandated price ceiling sa bigas

Inatasan ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na istriktong ipatupad ang mandated price ceiling sa bigas na itinakda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa ilalim ng Executive Order No. 39, iniutos sa dalawang ahensya na i-monitor at imbestigahan ang anumang abnormal na paggalaw ng presyo ng bigas sa merkado, at gayundin ang pagbibigay ng kaukulang tulong sa mga maaapektuhang retailers.

Bukod dito, inutusan din ang DA na ibahagi sa Bureau of Customs ang mga impormasyon kaugnay ng inventory ng bigas, listahan ng accredited rice importers, at lokasyon ng mga bodega ng bigas, para sa pagpapaigting ng pag-iinspeksyon at pagre-raid upang labanan ang hoarding at iligal na importasyon ng bigas.

Upang masiguro naman ang patas na market competition at proteksyon ng consumers, pinakikilos ang Philippine Competition Commission laban sa mga cartel o sinumang umaabuso sa kanilang dominanteng posisyon sa merkado.

Inatasan din ang Department of the Interior and Local Government, Philippine National Police, at iba pang law enforcement agencies na tulungan ang DA at DTI para sa agaran at epektibong pagpapatupad ng mandated price ceiling sa bigas. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author