![]()
Hinikayat ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na paigtingin ang kanilang operasyon kontra agricultural smuggling, partikular sa sibuyas, habang papalapit ang panahon ng anihan.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na ang pagpasok ng smuggled na sibuyas tuwing harvest season ay paulit-ulit na nagpapabagsak sa farmgate prices at nagdudulot ng malaking pagkalugi sa mga lokal na magsasaka.
Nagbabala rin ang senador laban sa posibleng hoarding at manipulasyon ng mga onion cartel na nagreresulta sa biglaang pagtaas ng presyo at labis na kita.
Dagdag pa niya, ang ilegal na pagpasok ng produktong agrikultural sa kritikal na panahong ito ay sumasalungat sa layuning suportahan ang lokal na produksyon at direktang nagbabanta sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Binigyang-diin ng senador ang pangangailangan ng mahigpit na pagbabantay sa mga pantalan at masinsing koordinasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan upang mapigilan ang pagpasok ng smuggled na produktong agrikultural sa lokal na merkado.
Ang babala ni Pangilinan ay kasabay ng inaasahang onion harvest season mula Pebrero hanggang Mayo, kung kailan karaniwang sinasamantala ng mga ilegal na importer ang panahon upang bahain ang merkado ng smuggled na sibuyas, na nagiging sanhi ng pagbagsak ng presyo at pagkalugi ng local producers.
