Muling binuhay ni Bohol 3rd District Representative Kristine Alexie Tutor ang pagdaragdag ng cyber security specialist at paglalaan ng tamang pondo sa cyber security infrastructure sa bansa.
Ayon kay Tutor, chairperson ng Committee on Civil Service and Professional Regulation, seryosong usapin ang cyber-attack gaya ng pagtatangka na atakehin ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong indibidwal.
Sa ngayon nasa 200 katao lamang ang certified cyber security experts sa buong bansa habang ang IT infrastructure ay kulang na kulang pa kahit pagsamahin pa ang government at private assets.
Isang solusyon ayon sa mambabatas para maparami ang cyber security specialists ay magkaron ng “targeted training at certification program” na subsidized ng pamahalaan.
Kailangan din umanong makipagpartner sa mga unibersidad, CHED at TESDA, habang ang 200 certified experts ay gagamitin bilang trainor ng mga estudyante o graduates ng IT, accounting, finance at criminology degree programs.
At para madagdagan ang cyber security infrastructure at softwares, mainam na pumasok ang gobyerno sa Public-Private Partnership at foreign technical assistance gaya ng ADB, WB at Japan International Cooperation Agency o JICA.
–Sa panulat ni Ed Sarto, DZME News