Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na mananatili sa kustodiya ng Senado ang contractor na si Curlee Discaya.
Ito ay kahit idineklara na siya at ang kanyang asawa na si Sarah Discaya bilang protected witnesses.
Sinabi ni Sotto na epektibo pa rin ang contempt order laban kay Curlee kaya’t hindi pa rin nila ito maaaring pakawalan.
Para rin kay Sotto, nakabubuti na nasa ilalim ng kustodiya ng Senado si Curlee upang kapag kailangan siyang humarap sa Department of Justice (DOJ) o sa Independent Commission for Infrastructure, madali lamang siyang maihaharap.
Mas mahirap kasi, ani Sotto, kung pakakawalan ito ng Senado; maaaring makapagtago ito at kapag kailangan sa mga pagdinig ay mahirapan nang hanapin.