Cited in contempt na ng Senate Blue Ribbon Committee si Pacifico Curlee Discaya dahil sa umano’y pagsisinungaling nang sabihing may heart ailment ang kanyang asawang si Sarah kaya hindi nakadalo sa pagdinig.
Gayunman, sa sulat ni Sarah sa komite, sinabi nitong hindi siya makakadalo sa hearing dahil may naunang schedule ng meeting sa kanyang mga empleyado.
Nanggigil ang mga senador sa pagdedesisyon na i-contempt si Curlee dahil malinaw anilang niloloko nito ang Senado sa tahasang pagsisinungaling.
Samantala, pinaiisyuhan na rin ng subpoena ng Senate Blue Ribbon Committee si dating DPWH Undersecretary Ma. Catalina Cabral makaraang hindi ito dumalo sa ikaapat na pagdinig kaugnay ng mga sinasabing anomalya sa flood control projects.
Ito ay matapos kwestyunin ni Senador Rodante Marcoleta ang hindi pagdalo ni Cabral sa pagdinig.
Sa paliwanag ni DPWH Secretary Vince Dizon, tinanggap na nito ang resignation ni Cabral at, sa pagkakaalam niya, sumulat ito sa komite upang ipaalam ang pagbibitiw at humiling na hindi na dumalo sa pagdinig.
Iginiit naman ni Marcoleta na hindi sapat ang resignation ni Cabral at kailangan pa rin siyang humarap sa pagdinig dahil maraming bagay ang dapat niyang liwanagin, partikular ang umano’y paglalako niya ng “insertions” sa budget ng DPWH.
Kinatigan ito ni Senador Panfilo Lacson kaya’t inaprubahan ang pag-iisyu ng subpoena laban kay Cabral.