Mananatiling epektibo ang COVID-19 bivalent vaccines laban sa bagong subvariant ng Omicron na FE.1
Ito ang inihayag ni Department of Health Sec. Ted Herbosa sa naganap na launching ng nasabing bakuna sa Philippine Heart Center kaninang umaga.
Inamin ng kalihim na bagama’t hindi pa gaanong napag-aaralan ang mga katangian ng naturang subvariant ay posible pa rin itong magpakita ng mga sintomas na katulad sa iba pang Omicron subvariants.
Noong Lunes, June 19, nakatapagtala ang bansa ng unang kaso ng subvariant FE.1 o XBB.1.18.1.1 na nakita sa genome sequencing na isinagawa noong May 29 hanggang June 12, 2023.
Nabatid na kasama ang naturang subvariant sa listahan ng variants under monitoring ng European Centre for Disease Prevention and Control noong June 1 dahil sa mabilis na pagkalat nito, na ngayon ay nadetect na sa 35 bansa sa buong mundo. —sa panulat ni Airiam Sancho