dzme1530.ph

Counter kudeta sa Senado, itinanggi ng minority bloc

Loading

Pinabulaanan ng ilang senador mula sa minority bloc ang ulat na magkakaroon umano ng counter kudeta laban kay Senate President Tito Sotto III.

Ayon kay Senator Imee Marcos, wala silang napag-uusapan sa minorya na may kinalaman sa kudeta. Katunayan, narinig lang aniya ang tungkol dito sa mga panayam kina Sotto at Senator Ping Lacson.

Binigyang-diin ni Marcos na kung may pinaguusapan man sila, ito ay kung paano mananatiling buhay ang minorya sa gitna ng mga pagbabago sa Senado.

Giit pa ng senadora, ang mga ulat ng kudeta ay tila sariling kapraningan na lamang dahil sa buong kasaysayan ng Senado, ang kanilang grupo ang pinakamalaking minority bloc.

Samantala, maging si Senator Rodante Marcoleta ay nagsabi ring wala siyang alam sa napapabalitang kudeta, kung saan lumulutang ang pangalan ni Senator Alan Peter Cayetano bilang papalit kay Sotto.

Kinumpirma rin ni Marcos na may ilang senador mula sa majority bloc na nag-alok sa kanya na lumipat kapalit ng pagpapanatili sa kanyang chairmanship sa Senate Committee on Foreign Relations. Ngunit kung hindi siya lilipat, maaari aniyang mawala ang naturang posisyon.

About The Author