dzme1530.ph

Contractor na gumamit ng substandard na materyales sa Bustos Dam, blacklisted na, ayon sa NIA

Loading

Kinumpirma ng National Irrigation Administration (NIA) na ipinatupad na nila ang blacklisting sa contractor na gumamit ng substandard na materyales sa Bustos Dam sa lalawigan ng Bulacan.

Sa pagtalakay ng panukalang budget ng NIA sa Senado, binanggit ni Sen. Joel Villanueva ang nasirang rubber gate sa Bustos Dam dahil sa sobrang init ng panahon.

Ayon sa senador, kung hindi mapapalitan ang mga ito, kabilang ang iba pang natitirang gates, maaapektuhan ang nasa 12,904 na magsasaka at maaaring magdulot ng pagkalugi sa sektor ng agrikultura na aabot sa ₱2.69 bilyon.

Inamin naman ni NIA Administrator Engr. Eddie Guillen na substandard ang mga inilagay na rubber bladder sa dam ng contractor na ITP Guangxi.

Kasabay nito, kinumpirma ni NIA Legal Services Atty. Lloyd Cudal na pina-blacklist na nila ang contractor at nakapaghain na rin sila ng reklamo sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).

Pinadalhan na rin aniya nila ng demand letter ang contractor upang ayusin hindi lamang ang nasirang rubber gate 5 kundi maging ang anim pang rubber bladders.

Umapela na rin aniya sila sa Department of Budget and Management (DBM) na maglabas ng pondo para sa pagsasaayos nito, ngunit napag-alaman namang walang alokasyon sa ilalim ng 2026 national budget.

Sinabi ng NIA na maaaring kunin ang pondo sa tinanggal na alokasyon sa flood control funds ng DPWH.

About The Author