Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan na agarang maglatag ng mga contingency measures kasunod ng banta ng mas mapaminsalang pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Sa kanyang pahayag, iginiit ni Gatchalian ang kahalagahan ng maagap na paglikas sa mga residenteng nasa panganib, at ang pakikipag-ugnayan ng mga LGU sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matiyak ang sapat na suplay para sa disaster preparedness at mabilis na pagresponde.
Dapat din anyang handa ang Department of Health at patuloy na imonitor ang mga posibleng sakit tulad ng respiratory issues dahil sa volcanic ash.
Kabilang sa mga iminungkahing hakbang ni Gatchalian ang maagang paglalagay ng mga relief goods at medical supplies sa mga lugar na maaapektuhan, pagtiyak sa kahandaan ng mga evacuation centers na may batayang pangangailangan, at ang pagkakaroon ng malinis na tubig at maayos na pasilidad para sa sanitasyon.
Nanawagan din si Gatchalian sa mga residente na malapit sa bulkan na maging alerto, sundin ang opisyal na babala, at unahin ang kaligtasan at kapakanan.