dzme1530.ph

Consignees-for-hire sa importasyon ng mga agricultural products, muling lumutang sa Senado

Loading

Muling lumutang sa Senado ang isyu ng consignees-for-hire matapos umamin ang ilang importers ng smuggled agricultural products na pinauupahan nila ang kanilang mga lisensya.

Isa sa tinukoy ay si Dexter Juala, isang Food Panda delivery rider mula Bulacan at may-ari ng EPCB Consumer Goods Trading.

Pero nang tanungin si Juala hinggil sa importasyon ng gulay at frozen fish, sinabi nitong wala siyang alam sa mga transaksyon at itinuro ang kanyang tiyuhin na si Erwin Pascual na tunay na gumagamit ng kumpanya.

Ayon kay Juala, ang natatandaan lang niya ay hiningan siya ng ID ng kanyang tiyuhin at saka siya nirehistro sa pier. Dahil dito, iginiit ni Senador Erwin Tulfo na imbitahan si Pascual sa susunod na pagdinig.

Samantala, inamin ni Jovelyn Berches Daria, may-ari ng Berches Consumer Goods Trading, na pinauupa niya ang kanyang lisensya kapalit ng komisyon.

Ang kumpanya ni Daria ay dalawang taon nang nag-ooperate at inamin na kumukuha lamang siya ng komisyon sa mga broker na  gumagamit sa kanyang lisensya at nag-iimport ng mga produkto.

Kinumpirma rin ni Bureau of Customs official Ariel Nepomuceno na 24 containers ng agricultural products ang nakalista sa ilalim ng Berches, pero 19 lamang ang inalerto ng Department of Agriculture.

About The Author