dzme1530.ph

Cong. Teves, muling hinimok na isuko ang sarili sa Rule of Law

Hinikayat ni Senador Jinggoy Estrada si Congressman Arnolfo Teves, Jr. na isuko ang kanyang sarili sa Rule of Law at gamitin itong oportunidad upang dipensahan ang kanyang sarili kasabay ng paghanap ng mga ebidensya laban sa mga alegasyon sa kanya.

Ito ay kasunod ng deklarasyon ng Anti-Terrorism Council (ATC) kay Teves bilang terorista.

Kasabay nito, ipinaliwanag naman ni Estrada na ang pagsusulong ng hustisya at pananagutan sa ilalim ng Act of Terrorism ay dapat na ipinatutupad kasabay ng pagrespeto sa karapatang pantao at due process.

Iginit ng senador na kasabay ng paglaban sa terorismo ay ang pagtitiyak na irerespeto pa rin ang karapatang pantao.

Kailangan anyang palaging balanse ang security concern at proteksyon sa human rights.

Ang anumang criminal activities anya na may sapat na ebidensya at dokumento ay kailangang idaan sa ligal na proseso katulad anya sa kaso ni Teves na dapat pa ring ituring na inosente hangga’t hindi napatutunayang may sala.

Naniniwala ang sendaor na mananaig ang katotohanan sa kasong ito kung paiiralin ang fair, transparent at impartial na legal proceedings. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author