Titiyakin ng mga senador na madaragdagan ang confidential fund ng Department of Information and Communications Technology (DICT) lalo pa’t lumalakas ngayon ang cybercrimes.
Sinabi ni Senador JV Ejercito na para sa kanya mas makabubuting ilaan ang confidential at intelligence funds sa mga departamento at ahensya na nangangalaga sa national security at lumalaban sa kriminalidad.
Ito ang dahilan kaya’t isinusulong ni Ejercito ang paglalagay ng confidential at intelligence fund sa DICT at maging sa Department of Justice sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation-Anti-Cybercrime Division upang mapalakas ang kampanya laban cybercriminals.
Tulad ni Ejercito, naniniwala si Senate Committee on Finance Chairman Sonny Angara na ang cybercrime ay ang bagong kaaway ng komunidad at hindi lamang ang mga armadong grupo.
Iginiit naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na matapos ang kanilang executive session sa DICT officials, kumbinsido siyang dapat mapalakas ang cybersecurity measures sa gitna ng pagdami ng cybercrimes. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News