Aminado si Senador Grace Poe na labis nang nakababahala ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Partikular na anya rito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas na dahilan ng pagpapatupad ng price cap.
Para sa senadora, kasabay ng price cap dapat tutukan nang mabuti ang pagtugis at pagpapanagot sa mga sangkot sa hoarding at price manipulation.
Tanong ni Poe kung para saan ang P4.5-B confidential at intelligence fund ngayong taon kung hindi naman matukoy ang mga taong nasa likod ng mga iregularidad sa agriculture products.
Kasabay nito, inirekomenda rin ni Poe sa gobyerno na pag-aralan ang posibleng epekto ng price cap sa mga rice retailer at suppliers.
Duda rin ang senador na maibibigay agad ang ayuda sa mga retailers at suppliers gayung ang subsidya nga sa fuel hindi maipamahagi.
Nangangamba ang senador na posibleng ang ibang retailer at supplier ay hindi na muna magbenta ng bigas at hintayin na lamang matapos ang effectivity ng price cap at saka nila ilalabas ang kanilang mga produkto. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News