Hihilingin ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe sa Civil Aeronautics Board (CAB) na magsumite ng kanilang report kaugnay sa compliance and sanction violations ng mga airline companies kaugnay sa Airline Passenger Bill of Rights.
Aminado si Poe na nakagugulat ang mga narinig nilang pahayag ng CAB na tila walang mabigat na parusa sa mga airline company na lumalabag sa polisiya sa overbooking at cancellations ng flights kaya’t tila naging practice na ito ng mga kumpanya.
Nais ding makita ni Poe ang report ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay sa maintenance ng mga eroplano at ang kanilang contingency plan kaugnay sa isyu ng supply chain.
Nilinaw naman ni Poe na hindi pa siya magpapatawag na hiwalay na hearing dahiln ang isinasagawang pagdinig na pinamumunuan ni Senador Nancy Binay na katuwang ang kanilang kumite ay hindi pa na-aadjourn at inaasahang magpapatuloy pa.
Aantabayanan naman anya niya kung ano pa ang mga magiging rekomendasyon sa pagdinig bago isulong ang pagrebisa sa prangkisa ng mga airline companies.
Ipinaalala ni Poe na ang prangkisa ay isang pribilehiyo ay may tungkulin silang imonitor ang pagtupad ng mga kumpanya sa kanilang mga obligasyon. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News