Hinimok ni OFW party-list Rep. Marissa Del Mar Magsino ang Marcos administration, na sabayan ng malinaw na polisiya ang mga nagbubukas na oportunidad para sa Pilipino sa abroad.
Masaya ang OFW party-list sa ipinapakitang interes ng mga bansang Malta at Albania para sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa abroad.
Sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW), mataas ang demand sa caregiver, cook, waiter, machine operator, accountant, salesperson at bus driver sa Malta.
Maglalaro sa ₱64,000 hanggang ₱250,000 ang sweldo ng mga papalarin matanggap sa Malta, habang 20,000 trabaho naman ang iniaalok ng Albania sa sektor ng hospitality.
Giit ni Magsino, magandang senyales ang pagkilala ng mga host country sa kasipagan ng mga Pilipino, subalit importante din ang commitment sa karapatan ng mga manggagawa.
Saad pa nito, hindi lahat ng trabaho ay ligtas, at hindi lahat ng mataas na sweldo ay may dignidad, ang tagumpay ng labor migration ay hindi lang nasusukat sa dami ng trabaho, higit sa lahat sa dignidad at kaligtasan ng OFW.