dzme1530.ph

COMELEC, pinayuhang maging praktikal

Pinagsabihan ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang Commission on Elections (COMELEC) na maging praktikal at pag-isipang muli ang kanilang inilatag na “wish list” o mga bibilihing kagamitan para sa 2025 automated elections.

Sinabi ni Pimentel na hindi ngayon ang panahon para sa walang kabuluhang paggastos kasabay ng pahayag na ilan sa mga nais bilhin ng poll body ay pag-aaksaya lamang ng pera ng taumbayan.

Idinagdag pa ng senador na ang bawat piso na nakapaloob sa proposal ng COMELEC ay dagdag utang ng gobyerno na sa huli ay taumbayan ang magbabayad.

Inihalimbawa ni Pimentel sa mga hindi kailangang specialized items ang planong bilhin ng poll body na stamping pens gayung maaari naman anyang gamitin ang ordinary marking pen.

Tanong pa ng senador kung magkano ang gagastusin, saan kukunin at sino ang supplier.

Umapela rin si Pimentel sa COMELEC na panatilihin na lang ang isang automated election system at huwag nang i-adopt ang iba pang sistema para sa overseas voting dahil magdudulot lamang ito ng dagdag na gastos.

Sa tamang panahon anya dapat busisiin ng Senado ang wishlist ng COMELEC kasabay ng pagtiyak ng transparent at efficient subalit cost-effective na halalan. —sa ulat ni Dang Garcia

About The Author