Pinayagan na ng Comelec ang mga observers mula sa European Union (EU) na makapasok sa loob ng polling precincts, subalit bago at pagkatapos lamang ng voting hours.
Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na hindi maaaring pumasok sa mga presinto ang EU Election Observation watchers.
Inihayag ni Garcia na pwede nang pumasok ang foreign observers kapag wala pa o wala nang botante, upang makaiwas sa hinalang nakikialam o iniimpluwensyahan nila ang mga bumoboto.
Binigyang diin din ng poll chief na karaniwan ay siksikan sa mga classroom na nagsisilbing polling precincts at may mga oras na kahit ang mga pinapayagang pumasok ay hindi na rin ma-accommodate.
Idinagdag ni Garcia na posible ring magreklamo ang mga regular watcher na nagbabantay sa labas ng presinto habang ang mga dayuhan ay nasa loob sa oras ng botohan.