Itinanggi ng Comelec ang tsismis na nagkaroon umano ng glitch o aberya sa unang araw ng overseas voting gamit ang internet.
Sa social media post, sinabi ng isang OFW na napalitan ng pagtatanong ang kanyang excitement pagkatapos niyang bumoto, dahil hindi niya nakita ang pangalan ng mga ibinoto niyang kandidato, at may mga pangalan at partylist na hindi niya kilala kung sino ang naglagay.
Ipinaliwanag naman ni Comelec Chairman George Garcia ang proseso ng online voting upang mapawi ang pangamba na nagkaroon ng dayaan sa Halalan.
Ayon sa Poll chief, normal lamang ang naranasan ng OFW at bahagi ito ng security features ng internet voting process.
Idinagdag ni Garcia na ang nakita ng OFW ay ballot face kung saan maaring pumili ang botante ng kandidatong iboboto at kapag pinindot ay mawawala at mapapalitan ng QR Code.
Gaya aniya sa local setup kung saan hindi pinapayagan ang mga botante na kuhanan ng litrato ang balota at resibo, mahigpit ding ipinagbabawal ang pag-screenshot sa online voting dahil maaari itong magamit sa vote-buying.