dzme1530.ph

Comelec, nanawagan sa mga nag-i-imprenta na sikaping walang masayang na mga balota

Hinikayat ng comelec ang mga nag-i-imprenta ng official ballots na gagamitin sa Halalan 2025 na bawasan ang bilang ng mga depektibong balota.

Ginawa ni COMELEC Chairman George Garcia ang panawagan sa National Printing Office (NPO) at South Korean Election Systems Provider na Miru Systems Company Limited, sa pagpapatuloy ng paglilimbag ng mga balota, kahapon.

Sinabi ni Garcia na noong 2022 elections ay umabot sa kalahating milyon ang bilang ng mga itinapong balota.

Idinagdag ng poll chief na bagaman maari pa ring basahin ng vote-counting machines ang mga depektibong balota, ay mayroon silang ipinatutupad na “very high quality standard.”

Ayon kay Garcia, ikinu-konsiderang depektibo ang isang balota kapag mayroon itong mga dumi o kahit na maliliit na tuldok at mga linya. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author