Ipinaalala ng Commission on Elections sa lahat ng mga kandidato na hindi lamang pagbaklas sa mga ikinabit nilang campaign materials sa iba’t ibang lugar ang kailangan nilang gawin matapos ang halalan.
Sa abiso ng Comelec, dapat gawin ang pagbabaklas limang araw matapos ang halalan o hanggang May 17.
Bukod dito, dapat ding tiyakin ng mga kandidato na mayroon silang aktibidad para sa carbon offsetting tulad ng pagtatanim ng puno alinsunod sa Section 4 ng Comelec Resolution 11111.
Sa naturang resolution, bumuo ang Comelec en banc ng Committee on Environmentally Sustainable Elections (CESE) na magiging katuwang din ng law enforcement agencies at civil society organization upang mabawasan ang impact sa kalikasan ng mga campaign activities at matiyak ang tamang disposal ng campain materials.
Nakapaloob din sa resolution na dinedeputize ng Comelec ang Department of Environment and Natural Resources upang maimbestigahan at kasuhan ang mga kandidato at partido na hindi tumatalima sa environmental regulations sa produksyon, pagpapakalat at disposal ng ginamit na propaganda materials.