Plano ng Comelec na mag-imprenta ng 73 million na mga balota para sa 2025 midterm elections.
Ayon kay National Printing Office Director Rene Acosta, ipi-print ng Comelec ang mga balota sa pamamagitan ng NPO simula December 2024 hanggang March 2025, gamit ang dalawang HP machines mula sa Miru Systems Company Limited.
Paliwanag ni Acosta, tatlo talaga ang makina ng HP, subalit naka-standby ang isa, at mayroon pa silang ibang contingencies, para sa kung anuman aniyang extreme na posibleng mangyari habang nililimbag ang mga balota.
Sinabi naman ni Comelec Chairperson George Garcia na 70 million ballots ang ililimbag para sa national and local elections, habang dalawang milyon ang para sa halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, at natitirang isang milyon ay test ballots para sa voter’s education activities ng poll body.
Nilinaw din ni Garcia na maaari pang madagdagan ang bilang ng i-i-imprentang mga balota, depende sa pinal na resulta ng voter’s registration program na magtatapos sa Sept. 30. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera